Gotta start somewhere.
Yan ang drama ko. Matapos ang halos isang taon ng pagmumukmok at paglulunoy sa lungkot at galit, eto ako, isa't kalahating malungkot at galit pa rin.
Isang text lang naman ang nagbago sa buhay ko. Umuwi ka agad. Isang tawag. Wala na ang Nanay. Tapos, yun na yun. Lahat ng mga ilaw sa utak ko, napundi. May mga switch na sinara.
Inisip ko nung, grief is a very vast ocean I have to cross, and I'm still at the edge trying to test the waters. How I would be able to cross that vast ocean, I had no idea.
Hindi ko kasi alam kung paano lalangoy nang hindi malulunod. Hindi ko alam kung paano pupunta mula sa isang araw patungo sa isang araw nang hindi mababaliw o mamamatay. Hindi ko alam eh. Para akong bangka na nawalan ng anchor, ayun, lulutang-lutang. Hindi ko alam kung kanino kakapit. So kumapit ako sa mga pinakamalapit sa kin.
At nakahanap ako ng salbabida -- anger.
Nung una, hindi ko pa alam na galit na pala ang kinakatigan ko. Nung una kasi wala akong nararamdaman. Ni hindi ako makaiyak. Payapa akong natutulog sa gabi. Hanggang dumating yung unang sabadong hindi ako umuwi sa bahay at habang kumakain ako ng siomai, (puro siomai na lang ang kinakain ko nun), bigla na lang akong naiyak. Hindi yung iyak na naluha lang o kung anu man ha. Hagulgol. Hindi ko na maalala kung sino ang kausap ko nun sa telepono, pero iyak lang ako ng iyak ng iyak.
Sana nga nakakamatay ang matinding pag-iyak. Pero hindi eh. So ayun, kinabukasan, nagising pa rin ako, kahit ayaw ko. Ayoko nang magising eh. Ayoko naman magpakamatay. Too much effort. Basta gusto ko yung hindi na lang ako magigising.
Around this point ko inaway nang inaway nang inaway yung closest guy friend ko. Though inaaway ko naman siya lagi lagi lagi dati, mas inaway ko pa siya ngayon.. Bakit ka nagtetennis? Sige magpakasaya ka pa sa buhay mo? Bakit ganito yung comment ni ganyan sa flickr mo? Bakit mo kini-kiss si ganyan? Sige kayo na lang ni ano ang friends. Bakit hindi ako? Sino ba yang gusto mo sabihin mo na sa kin kung sino? Sige na sige na sige na. Dahil ba sa sobrang lapit ko kaya hindi mo ko makita?
Ayun, nagsawa ang loko. Sabi pa nung kaibigan ko, nasaktan daw. Siguro nga, kasi talagang hindi na ko kinausap matapos sabihing "hindi na kita kayang maging kaibigan. Ayoko na."
So bukod sa namatayan ako, iniwanan pa ko ng kaibigan ko.
At dahil wala na akong maaway, siya naman ang pinagbalingan ko. Basically, ginawa ko siyang punching bag. Ayaw mo kong makita. Di mo naman ako pinupuntahan. Lagi ka na lang ganyan ganyan ganyan. Pinabayaan mo ko. Kung kelan kailangan kita tsaka wala ka.
In short, nagpakalunod lang ako sa galit na nararamdaman ko na di ko naman alam kung kanino ba ako galit. Sa universe ba, sa particular person ba na to, sa fact na iniwan ako, sa fact na hindi ako gusto na shet naman... Masyadong mahabang paliwanagan akong kailangan dun sa last point na yun na kailangan na ng sarili niyang entry.
Wala na ko gusto gawin eh. Wala na akong ganang gawin ang kahit ano. Wala na akong ganang mabuhay.
But the dead will be dead, and the rest must go on living, sabi ni Haruki Murakami.
Anong gagawin ko ngayon?
Eh kung magsimula kaya ako ulit? Kahit may mga relasyon na akong tinuldukan (or rather, ako ang tinuldukan), mga relasyong nilamatan, eh ganun eh. Kailangan magsimula ulit.
Baka dumating yung panahon na yung mga nalamatan, malagyan ng tape. Yun mga nawala, wala na yun eh. Yung nandiyan, nandiyan pa rin.
Bakit hindi ako dun magsimula?###